safe2choose

Pagkatapos ng isang aborsyon

Ano ang mga Sintomas Pagkatapos ng Aborsyon?

5 min read

July 3, 2025

safe2choose Team

Taong may sakit sa ibabang bahagi ng tiyan na may mga simbolo ng pananakit at pagdurugo pagkatapos ng aborsyon, makikitang logo ng safe2choose.org

Normal lamang ang makaranas ng iba’t ibang sintomas pagkatapos ng aborsyon dahil dumaraan ang katawan sa proseso ng paggaling. Pero mahalaga ring malaman kung alin sa mga ito ang inaasahan at alin ang maaaring senyales ng komplikasyon.

Karaniwang Sintomas Pagkatapos ng Aborsyon Gamit ang Gamot

Matapos uminom ng gamot para sa aborsyon, normal lang ang makaranas ng mga sintomas na kahalintulad ng sa pagkalaglag o regla. Narito ang ilan sa mga karaniwang nararamdaman:

  • Pananakit o Paninikip ng Tiyan (Cramping): Normal ang pananakit ng puson habang nagko-contract ang matres para ilabas ang ipinagbubuntis. Maaaring magkaiba-iba ang tindi ng sakit, at karaniwan itong tumatagal ng ilang araw.
  • Pagdurugo: Maaaring mas marami ang dugo kaysa sa karaniwang regla, lalo na sa unang mga araw. Maaaring may kasama ring namuong dugo o laman. Unti-unti itong hihina sa mga sumunod na araw o linggo, depende sa reaksyon ng katawan sa gamot.
  • Pagduduwal: Maaaring makaramdam ng hilo o pagsusuka ang iilan, bunga ng pagbabago sa hormones. Kalimitan, nawawala rin ito sa loob ng isa o dalawang araw.
  • Bahagyang Lagnat o Panginginig: Normal lang ang makaranas ng bahagyang lagnat o panginginig matapos uminom ng Misoprostol. Karaniwan itong nawawala sa loob ng 24 oras.
  • Iba pang Panandaliang Epekto: Maaaring makaranas ng mga epekto gaya ng pagkahilo, pagtatae, pananakit ng tiyan, o sakit ng ulo. Ang mga ito ay karaniwang pansamantala at nawawala agad.

Kung sakaling hindi ka makaranas ng alinman sa mga nabanggit, ayos lang din iyon—iba-iba ang karanasan ng bawat isa sa proseso ng aborsyon.

Kailan Dapat Kumonsulta sa Doktor

Mahalagang bantayan ang kalusugan sa buong proseso. Kumonsulta agad sa doktor o health provider kung maranasan ang alinman sa mga sumusunod:
Matinding Pagdurugo: Kung nakakapuno ka ng dalawang regular na napkin kada oras sa loob ng dalawang magkasunod na oras (ibig sabihin, apat na punong pad sa loob ng dalawang oras), ito ay itinuturing na matinding pagdurugo at nangangailangan ng agarang atensyong medikal.

Matinding Pananakit ng Puson: Kung masakit ang puson at hindi ito nawawala kahit uminom ka na ng karaniwang gamot sa sakit, maaaring ito ay senyales ng komplikasyon.

  • Lagnat na Hindi Nawawala: Kung umabot sa higit na 38°C (100.4°F) ang lagnat at hindi bumababa sa loob ng mahigit 24 oras, maaaring may impeksyon at kailangan itong matingnan ng doktor.
  • Hindi Karaniwang Discharge: Normal lang ang dugo na may amoy o kulay na kayumanggi, madilim, halos itim, o matingkad na pula. Pero kung mapansin mong may lumalabas na discharge na may kakaibang kulay at amoy na parang bulok, maaaring ito ay senyales ng impeksyon.
  • Allergic Reaction: Kung makaranas ng pamumula, pangangati, o pamamaga ng mukha, kamay, o leeg, maaaring senyales ito ng allergy. Maaaring uminom ng antihistamine, pero kung hindi bumuti o lumala ang reaksyon, kumonsulta agad sa doktor.
  • Hirap sa Paghinga: Kung nahihirapan kang huminga, agad na humingi ng tulong medikal—maaaring ito ay palatandaan ng malalang reaksyon o impeksyon.

Kailangan bang Sabihin Kung Paano Ginawa ang Aborsyon?

Nasa sa iyo kung gusto mong ibahagi kung paano isinagawa ang aborsyon. Kung hindi mo babanggitin na gumamit ka ng abortion pills at hindi mo rin inilagay ang Misoprostol sa puwerta, walang paraan para malaman o mapatunayan ng healthcare provider na nagpa-aborsyon ka gamit ang gamot. Hindi rin kayang makita sa dugo o ihi ang Mifepristone at Misoprostol, kaya kahit magpatingin ka, hindi nito makukumpirma kung gumamit ka ng mga gamot na ito.

Frequently Asked Questions

Related Articles

Makipag-ugnayan sa amin.

Okay lang na humingi ng suporta

Kung kailangan mo pa ng karagdagang impormasyon o hindi mo nahanap ang iyong hinahanap, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng aming counseling page at mga channel ng komunikasyon.