Ang pagsisimula ng pag-inom ng birth control pills ay isang mahalagang hakbang patungo sa mas malusog na pamamahala ng kalusugang reproduktibo. Isa sa mga pinakakaraniwang tanong ng mga tao ay: “Kailan ako magiging protektado laban sa hindi inaasahang pagbubuntis?
Kung magsisimula kang uminom ng pills sa unang araw ng iyong regla, protektado ka na agad kapag nakipagtalik. Ngunit kung magsisimula ka sa ibang araw ng iyong cycle, mainam na maghintay ng 7 araw o gumamit ng karagdagang proteksyon (tulad ng condom) para matiyak ang proteksyon. Ang kaalaman na ito ay makakatulong sa iyo na mas maging kumpiyansa sa paggamit ng pills at makapagpasya nang naaayon sa iyong katawan at pamumuhay.
Pag-unawa sa Birth Control Pills at ang Kanilang Bisa
Ang birth control pills ay isang ligtas at epektibong paraan ng pagpigil sa pagbubuntis kapag ginagamit ng tama. Gayunpaman, ang bisa nito ay nakadepende sa uri ng pills at kung kailan ka magsisimulang uminom. Marami ang gumagamit ng birth control hindi lamang para sa pagpigil sa pagbubuntis, kundi pati na rin para sa regulasyon ng regla, pantanggal ng acne, at iba pang benepisyo sa kalusugan.
Mga Uri ng Birth Control Pills
May dalawang pangunahing uri ng birth control pills, at bawat isa ay may iba’t ibang paraan ng pagtulong sa pagpigil ng pagbubuntis:
- Combination Pills (Estrogen at Progestin)
- Pinipigilan ang ovulation at pinapalapot ang cervical mucus para harangan ang sperm.
- Pinakamadalas na inirerekomendang uri.
- Kailangang inumin araw-araw sa parehong oras para sa pinakamabisang resulta.
- Mini-Pill (Progestin-Only)
- Pinapalapot ang cervical mucus at maaaring pigilan ang ovulation.
- Nangangailangan ng striktong araw-araw na pag-inom sa parehong oras.
- Mas angkop para sa mga hindi maaaring gumamit ng estrogen.
Anuman ang uri ng pill na iyong iniinom, mahalaga na sundin ang mga tagubilin ng tama upang matiyak ang bisa nito.
Paano Mag-Simula ng Birth Control at Makipagtalik ng Ligtas
- Pumili ng tamang pill para sa iyong pangangailangan
- Mag-research o kumonsulta kay Myka upang malaman kung aling birth control pill ang pinaka-angkop para sa iyo. Iba-iba ang katawan ng bawat tao, kaya’t mahalaga na mag-explore ng mga opsyon at hanapin ang pinakamainam na pill para sa iyong pangangailangan.
- Isaalang-alang ang anumang kalusugan o pamumuhay na maaaring makaapekto sa iyong desisyon.
- Inumin ito sa tamang oras
- Kung magsisimula ng pill sa unang araw ng iyong regla, agad kang protektado.
- Kung magsisimula sa ibang araw ng iyong cycle, gumamit ng backup contraception ng 7 araw (o 48 oras para sa mini-pills).
- Inumin ang pill sa parehong oras araw-araw
- Mag-set ng alarm o gumamit ng reminder app upang maging konsistent.
- Ang hindi pag-inom ng pills ay maaaring magpababa ng bisa, kaya’t gawing regular na gawain ang pag-inom ng pills araw-araw.
- Gumamit ng backup contraception kapag kinakailangan
- Gumamit ng condom kung nais mong maproteksyunan laban sa STIs.
- Kung nakalimutan mong uminom ng pill, nagsimula ka lang ng pills, o gumagamit ng mga gamot na maaaring makaapekto sa birth control, gumamit ng condom o ibang backup method.
- Unawain kung paano nakaka-apekto ang ilang gamot sa birth control
- Ang ilang antibiotics, anti-seizure na gamot, at herbal supplements ay maaaring magpababa ng bisa ng birth control.
- Palaging sabihin sa healthcare provider kung mayroon kang bagong reseta na gamot.
- Subaybayan ang reaksyon ng iyong katawan
- Ang ilang tao ay maaaring makaranas ng side effects, ngunit kadalasan ay nawawala ito pagkatapos ng ilang buwan.
- Kung hindi nawawala o lumalala ang mga side effects, isaalang-alang ang ibang opsyon o kumonsulta sa healthcare provider.
Karaniwang Maling Paniniwala Tungkol sa Birth Control Pills
Maling Paniniwala: Nakakabaog ang pag-inom ng birth control pills.
Katotohanan: Hindi nakaaapekto sa kakayahang magkaanak sa hinaharap ang pag-inom ng pills. Kadalasan, bumabalik sa normal ang ovulation ilang linggo matapos itigil ang paggamit.
Maling Paniniwala: Kailangang magpahinga sa pag-inom ng birth control.
Katotohanan: Walang medikal na dahilan para tumigil o magpahinga sa pag-inom ng pills. Sa katunayan, ang paulit-ulit na pagtigil at pagsisimula ay maaaring magpataas ng panganib ng hindi inaasahang pagbubuntis.
Maling Paniniwala: Nagdudulot ng matinding pagdagdag ng timbang ang birth control pills.
Katotohanan: Bagamat may ilang nakararanas ng kaunting “fluid retention”, ipinapakita ng mga pag-aaral na walang matibay na ugnayan ang pills sa pagdagdag ng timbang.
Maging Mapanuri, Maging Protektado
Ang pag-unawa at tamang paggamit ng birth control pills ay nagbibigay-kapangyarihan para sa mas maayos na pangangalaga sa iyong kalusugang reproduktibo. Tandaan, bagama’t epektibo ang pills sa pagpigil ng pagbubuntis, makabubuting gumamit din ng condom para sa dagdag na proteksyon laban sa sexually transmitted infections (STIs).
Para sa mas personal na payo at suporta, makipag-ugnayan sa isang healthcare provider o bumisita sa mga mapagkakatiwalaang organisasyon sa kalusugang reproduktibo tulad ng safe2choose.org.
Gayunpaman, mahalagang tandaan na walang 100% na garantisadong paraan ng kontrasepsyon—may mga pagkakataon pa rin na maaaring hindi maging epektibo ang birth control. Kung mangyari ito at nais mong tuklasin ang iyong mga opsyon, nandito ang aming mga trained counselor sa safe2choose upang gabayan ka sa bawat hakbang.
Ang pag-inom ng birth control pills ay isang personal na desisyon. Ang pagkakaroon ng tamang impormasyon ang susi upang magamit ito nang ligtas at epektibo. Kung ikaw man ay bago pa lamang sa paggamit ng pills o nais mo lang mas mapabuti ang iyong kaalaman, ang pagiging maalam ay makakatulong sa iyo na makagawa ng mga desisyong akma sa iyong katawan at pamumuhay.


